👤

kit Napakataas ng Langit Noong unang panahon, ang pagkalikha ng langit at lupa ay lubhang napakababa. Kung susukatin ay lagpas tao lamang ang taas nito mula sa lupa. Magkaganoon man, hindi ito naging sagabal sa mga taong nabubuhay at naninirahan sa daigdig. Malaya silang nakagagalaw at nakakikilos sa anumang nais nilang gawin. Kadalasan pa ay ginagawa nilang lalagyan o sabitan ang ulap ng iba nilang kagamitan at mga bagay-bagay na magaan gaya ng suklay at kwintas. Noon din ay nagtatanim at nag-aani na ng palay at iba pang pananim ang mga tao. Dangat ang mga kagamitan nila sa pag-aani ay halos ang kanilang mga bisig at kamay lamang. Ang iba naman ay kagamitang yari sa bato at kahoy gaya ng araro na ipinambubungkal nila sa lupa at lusong na pinagbabayuhan nila ng palay kapag naani na ito upang maging bigas na kanilang maisasaing. Kalimitan, ang mga tao ay sabay-sabay kung mag-ani. Matapos nilang anihin ang palay, ito'y kanilang babayuhin para maging bigas. Nagbabayo sila sa pamamagitan ng lusong at halo. Ang lusong na ito ay yari sa bato o kahoy na pabilog at sa gawing gitnang ibabaw nito ay may butas na pinaglalagyan ng palay para bayuhin sa pamamagitan ng halo. Sa tuwing itinataas raw nila ang halo ay laging tinatamaan ang ulap ng langit. Parati na lamang ganito sa tuwing mag-aani ang mga tao noon. Napansin na lamang nila nang mga ilang araw, ang ulap ay unti-unti nang tumaas, hanggang sa naging napakataas. Napaghinuha ng mga taong marahil iyon ay dahilan sa kanilang ginagawang pagbabayo na parang nasaktan ito at nagalit kaya tumaas nang halos wala nang makaabot. Napansin na lamang nila na kapag gabi at nakalitaw ang mga bituin ay may hugis kwintas, suklay, at iba pa sa kalangitan. Naisip nilang iyon ang mga bagay na isinabit nila sa ulap noong ito ay mababa pa.​