👤

ANG MGA SAKAHAN SA PILIPINAS NILALAMON NG URBANISASYON
Sanaysay na isinulat ni Nathaniel Rufano

Kung ang pamagat ng sanaysay na ito ang magiging headline ng mga balita sa mga diyaryo, radio at telebisyon ngayon, hindi ito papansinin ng mga tao dahil karamihan sa kanila ay wala na sa pagsasaka o pagtatanim. Konti na lang kasi ang mga magsasakang Pilipino. At marami sa mga kabataan ngayon ay ayaw nang magsaka. “Sino ba ang gusto na marumihan ang mga kamay at mainitan sa nagbabagang araw ng bukid, hawak ang araro? eh, di doon na lang ako sa trabaho na malinis ang mga kamay ko habang hawak ang ballpen at nalalamigan sa komportableng aircon ng isang opisina”. Ito ang madalas na sinasabi ng mga anak ng magsasaka na minsan ay nakaranas na magtrabaho kuwadradong palayan na matubig at maputik.

Kasabay ng unti-unti na pagkawala ng mga magsasaka ay ang dahan-dahan na urbanisasyon ng bansa.Sinasabi ng ibang eksperto na ang urbanisasyon ay bahagi o palatandaan ng pag-unlad. Kung totoo ito, bakit tila may banta tayong nakikita sa ating mga sikmura. Pataas nang pataas ang presyo ng mga bilihin lalo na ang presyo ng mga pagkain katulad ng mga gulay at bigas. Kung ito man ay bahagi ng pag-unlad, dapat itong iwasan, hindi dapat ito pahintulutan; sapagkat walang pag-unlad na maituturing sa bansa na nagugutom.

Ang mga lupang sakahan sa Pilipinas ay unti-unting nawawala dahil sa patuloy na urbanisasyon. Ang mga palayan na dati ay nagbibigay ng kanin sa maraming hapag kainan ng mga Pilipino ay tinayuan na nang mga magagandang bahay at matatas na gusali. Mayroon kasi mali isa Sistema ng bansa. Higit na mataas ang koleksiyon ng buwis na nakokolekta ng munisipyo kung ang lupain nito ay tinayuan na ng bahay o gusali kaysa lupain na tinaniman ng palay o gulay.

Ganito kasi ang nangyayari. Palagi kasama, sa pagtatayo ng mga bahay at gusali, ay mga bagong negosyo sa isang bayan. At ang bawat negostyo na naitatatag ay malaking bukal ng buwis para sa pamahalaang bayan. Samantala, kung ang lupain ay mananatil na taniman ng gulay o palay, napakakonti na halaga ng buwis, ang maari na makuha ng munisipyo. Kaya mas nais ng mga lokal na pamahalaan ( munisipyo at kapitolyo ng probinsiya) na ang kanilang lugar ay maging hitik sa mga gusali kaysa maging hitik sa mga butil ng palay.

Dapat na baguhin ang Sistema na ito sa Pilipinas na pumapabor sa urbanisasyon kaysa agrikulturismo. Dapat na magpasa ng batas na magbibigay nang pabuya sa mga munisipyo o pamahalaang bayan para panatilihin ang lugar nila na nakalaan sa agrikultura. Sa ganitong paraan hindi maakit ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na palitan ang mga natatanimang lupain ng mga bahay at gusali. Dapat din na bigyan ng suportang pinansiyal ang mga magsasakang Pilipino, para patuloy na may magtatanim sa ating matatabang lupain.


Sapagkat, kung mawawala na ang mga palayan at gulayan, sa bansa, hindi ako magtataka na minsan, magigising tayo isang umaga at mababasa natin ang headline nang ganito: “MAMAMAYANG PILIPINO NILALAMON NG GUTOM AT KAHIRAPAN”.

QUESTION:ipapadala ko ang sanaysay tungkol sa URBANISASYON.,.

ANSWER:? ​