👤

(TALAKAYAN "hindi kailangan na kopyahin, basahin at unawain lamang po ito")

PAGSUSURI NG MAKATAONG KILOS


Sadyang natatangi nga ang tao. Ipinagkaloob sa kaniya ang lahat ng kakayahan o pakultad upang hubugin ang kaniyang pagkatao at upang magpakatao. Kaya isang malaking hamon sa tao ang magpakatao at gamitin ang taglay niyang mga kakayahan sa pagkamit nito. Paano nga ba nahuhubog ang pagkatao ng tao? Ayon kay Sto. Tomas de Aquino, may dalawang uri ng kilos ng tao. Ang mga ito ay:
1. Ang Kilos ng Tao (Act of Man). Ito ay mga kilos na nagaganap sa tao. Ito ay likas (natural) sa tao o ayon sa kaniyang kalikasan bilang tao at hindi ginagamitan ng isip at kilos-loob. Ang kilos na ito ay masasabing walang aspeto ng pagiging mabuti o masama kaya walang pananagutan ang tao kung naisagawa ito. Ang mga halimbawa nito ay: biyolohikal at pisyolohikal na kilos na nagaganap sa tao tulad ng paghinga, pagtibok ng puso, pagkurap ng mata, paghikab, pagkaramdam ng sakit mula sa isang sugat, at iba pa.



2. Ang Makataong Kilos (Human Act). Ito naman ay kilos na isinagawa ng tao nang may kaalaman, kalayaan, at pagkukusa. Ang kilos na ito ay resulta ng kaalaman, ginamitan ng isip at kilos-loob kaya’t may pananagutan ang tao sa pagsasagawa nito. Karaniwang tinatawag itong kilos na niloob, sinadya at kinusa sapagkat isinasagawa ito ng tao sa panahon na siya ay responsable. Alam niya ang kaniyang ginagawa at ninais niyang gawin. Ang makataong kilos ay gawain na malayang pinili mula sa paghuhusga at pagsusuri ng konsiyensiya. Pananagutan ng taong nagsagawa ng makataong kilos ang bunga ng kaniyang piniling kilos. Kung mabuti ang kilos, ito ay katanggap-tanggap. Kung masama ang kilos, ito naman ay kahiya-hiya at dapat pagsisihan.

Sa madaling salita, ang isang kilos ay magiging kilos ng tao (act of man) kung ang kilos na ito ay kasama sa kaniyang kalikasan (nature) at hindi niya ginagamitan ng isip o kilos-loob. Ang isang kilos naman ay magiging makataong kilos (human act) kung ang kilos na ito ay ginagamitan ng isip at kilos-loob. Samakatuwid, anomang kilos kahit na ito pa ay likas o natural, kung ito ay humantong sa paggamit ng isip o may kasamang pagpapasya o pagdedesisyon, ito ay maituturing na makataong kilos (human act).




Tatlong uri ng Kilos ayon sa Kapanagutan (Accountability) Ang pananagutan ay nararapat na may kaalaman at kalayaan sa piniling kilos upang masabing ito ay pagkukusang kilos (voluntary act).
Ang bigat (degree) ng pananagutan sa kinakaharap na sitwasyon ng isang makataong kilos ay nakabatay sa bigat ng kagustuhan o pagkukusa . Ang mga ito ay nasa lalim ng kaalaman at kalayaan (degree of willfulness o voluntariness) na tinatamasa. Sa madaling salita, kung mas malawak ang kaalaman o kalayaan, mas mataas o mababang degree ang pagkukusa o pagkagusto. Kung mas mataas o mababang bigat ang pagkukusa, mas mabigat o mababaw ang pananagutan. Ayon kay Aristoteles, may tatlong uri ng kilos ayon sa kapanagutan:
(1) kusang-loob, (2) di kusang-loob, at (3) walang kusang-loob.

1. Kusang-loob. Ito ang kilos na may kaalaman at pagsang-ayon. Ang gumagawa ng kilos ay may lubos na pagkaunawa sa kalikasan at kahihinatnan nito. Halimbawa: Niyaya ka ng iyong kaklase na umalis ng bahay at gumala. Alam mo na bawal lumabas ng bahay ang mga batang may edad 14 gulang pababa. Sumama ka pa rin kahit na batid mo na bawal lumabas ang mga katulad mo. Nahuli kayo ng mga kawani ng barangay.

2. Di kusang-loob. Dito ay may paggamit ng kaalaman ngunit kulang ang pagsang-ayon. Makikita ito sa kilos na hindi isinagawa bagaman may kaalaman sa gawain na dapat isakatuparan. Halimbawa: (Pagpapatuloy sa naunang sitwasyon). Noong ikaw ay niyaya ng iyong kaklase na umalis ng bahay at gumala, tinanggihan mo siya dahil alam mong bawal lumabas ng bahay. Ngunit sabi niya kapag hindi ka sumama ay puputulin na niya ang inyong pagkakaibigan. Kaya sa huli ay sumama ka pa rin sa kaniya.

3. Walang kusang-loob. Dito, ang tao ay walang kaalaman kaya’t walang pagsang-ayon sa kilos. Ang kilos na ito ay hindi pananagutan ng tao dahil hindi niya alam kaya’t walang pagkukusa o boluntaryong pagkilos. Halimbawa: Ang iyong kapatid na limang (5) taong gulang pa lamang ay sinundo ng iyong tiyahin sa inyong bahay para isama niya sa pamamalengke. Mahigpit na ipinagbabawal na lumabas sa ngayon ang mga batang may edad na 14 pababa. Ang bata ay walang magiging pananagutan dahil wala naman siyang kaalaman patungkol sa batas at panuntunan sa kasalukuyan.​