Ang Samahan ng mga Bansa sa Timog-Silangang Asya[2], na kadalasang dinadaglat bílang ASEAN o Asean,[3][4] ay isang kapisanang pangheopolitika, pang-ekonomiya, at pangkultura ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya. Ang Asean ay itinatag noong 8 Agosto 1967 at binuo ng Indonesya, Malaysia, Pilipinas, Singapore, at Thailand. Ang mga layunin ng samahang ito ay pagtaguyod ng paglago ng ekonomiya, kaunlarang panlipunan, pagsulong ng mga kultura sa mga kasapi, at pagpapalaganap ng kapayapaang pangrehiyon.