👤

TULANG PANUDYO AT TUGMANG DE GULONG
F7PB-IIIa-c-14
• Naihahambing ang mga katangian ng tula / awiting panudyo, tugmang de gulong at palaisipan.
 Naibibigay ang katangian ng tula / awiting panudyo, tugmang de gulong at palaisipan.
Maituturing na pinakamatandang sining ang tula sa kulturang Pilipino. Tula ang pinagmulan ng iba pang mga sining tulad ng awit, sayaw, at dula. Batay sa kasaysayan, ang mga unang Pilipino ay may likas na kakayahang magpahayag ng kanilang kaisipan sa pamamagitan ng mga salitang naiayos sa isang maanyong paraan kaya kinakitaan ng sukat at tugma. Katunayan, ang mga salawikain at kawikaan ay kaakibat sa tuwina ng mga pahayag ng mga Pilipino noong unang panahon.
Ang pagkadiwang makata ay likas sa ating mga ninuno. Ayon kay Alejandro Abadilla “Bawat kibot ng kanilang bibig ay may ibig sabihin at katuturan. Ito ay ipinalalagay na pangunahing dahilan kung bakit nabuo ang iba pang mga akdang patula tulad ng tulang panudyo, tugamang de gulong, bugtong at palaisipan at iba pang kaalamang-bayan.

1. Tulang/Awiting Panudyo

Ito ay isang uri ng akdang patula na kadalasan ang layunin ay manlibak, manukso o mang-uyam. Ito ay kalimitang may himig nagbibiro kaya ito ay kilala rin sa tawag na Pagbibirong Patula.
Halimbawa: Bata, bata
Pantay-lupa
Asawa ng palaka

2. Tugmang de-Gulong
Ito ay ang mga paalala o babala na kalimitang makikita sa mga pampublikong mga sasakyan. Sa pamamagitan nito ay malayang naipararating ang mensaheng may kinalaman sa pagbibiyahe o paglalakbay ng mga pasahero. Maaari itong nasa anyong salawikain, kasabihan o maikling tula. Karamihan ng mga uri ng tugmang ito ay binuo ni Dr. Paquito Badayos.
Narito ang ilan sa mga halimbawa nito:
a. Ang di magbayad mula sa kanyang pinanggalingan ay di makabababa sa paroroonan.
b. Aanhin pa ang gasoline kung ang jeep ko ay sira na.
c. Ang di magbayad ay walang problema, sa karma pa lang, bayad ka na.

3. Bugtong
Ito ay isang pahulaan sa pamamagitan ng paglalarawan. Binibigkas ito ng patula at kalimitang maiksi lamang. Noon karaniwan itong nilalaro sa lamay upang magbigay aliw sa mga namatayan ngunit nang lumaon ay kinagiliwan na ring laruin kapag may handaan o pistahan. Ilan sa mga halimbawa ng bugtong ang sumusunod:
a. Gumagapang ang ina,
    Umuupo na ang anak. (Sagot: kalabasa)
b. Maliit pa si Totoy,
    Marunong nang lumangoy (Sagot: isda)

4. Palaisipan
Ang palaisipan ay nasa anyong tuluyan. Layunin nito ang pukawin at pasiglahin ang kaisipan ng mga taong nagkakatipon-tipon sa isang lugar. Ito ay paboritong pampalipas oras ng ating mga ninuno. Ito ay nangangahulugan lamang na ang mga sinaunang Pilipino ay sanay mag-isip at kanilang ipinamana ito sa kanilang mga inapo.
Ang ganitong uri ng panitikan ay laganap pa rin hanggang sa kasalukuyang panahon sapagkat ito’y talagang nakapagpapatalas sa isipan ng mga mag-aaral. Ito ay hindi na lamang pinag-uusapan at pinag-iisipan sa mga pagtitipon kundi maging sa usapan sa Internet.
Halimbawa: Sa isang kulungan ay may limang baboy si Mang Juan.
       Lumundag ang isa. Ilan ang natira?
(Sagot: Lima pa rin kasi lumundag lang naman ang isang baboy at hindi umalis.)
      May isang bola sa mesa. Tinakpan ito ng sombrero. Paano nakuha ang bola nang di man lamang nagalaw ang sombrero?
      (Sagot: Butas ang tuktok ng sombrero.)

WRITTEN WORKS
Gawain sa Pagkatuto Bilang 1. Ilahad ang pagkakatulad at pagkakaiba ng Tulang/ Awiting Panudyo at Tugmang de-Gulong. Isulat ang pagkakatulad ng dalawang kaalamang bayan sa gitna at pagkakaiba sa dalawang malaking bilog Gawin sa isang malinis na papel ang kasagutan.


Gawain sa Pagkatuto bilang 2. Tukuyin kung Bugtong, Tugmang de -Gulong, Tula / Awiting Panudyo, at Palaisipan ang sumusunod na pahayag. Iguhit ang iba`t ibang emoticons na nag-uugnay sa tamang kasagutan. Isulat ang tamang sagot sa isang malinis na papel.

_____ 1. Hinilang ko ang tadyang, lumapad ang tiyan.

_____ 2. Ano ang makikita mo sa gitna ng dagat?

_____ 3. Mayroong tandang sa ibabaw ng bubong na piramido ang hugis. Nagtatalo-talo ang mga kapitbahay kung saan babagsak ang itlog ng tandang. Saan babagsak ang itlog ng tandang.

_____4. Kahit ano pa ang ganda, drayber lang ang katapat niya.

_____5. Mga dumi sa ulo
Ikakasal sa Linggo
Inalis, inalis
Ikakasal sa Lunes

Maari na kayong magsagot mga anak.​