Sagot :
Answer:
Alam naman natin lahat na ang kaarawan ang isa sa pinakamasayang pangyayari sa ating buhay. Isang beses sa isang taon ginaganap ang kaarawan ng isang tao. Ito ang pinakamagandang regalo na ibinibigay sa atin ng Panginoon. At para sa ating mga kabataan, ito ang pinakamasaya at magulong mga pangyayari na mangyayari sa ating mga buhay. May kainan, kantahan, sayawan at inuman na sadyang ikinasasaya ng mga kabataang nagdiriwang ng kanilang kaarawan.
Noong ika-tatlumpu ng Mayo, 2017 ay ginanap ang isa sa pinakamasayang araw sa buhay ko, ang aking kaarawan. Bakit naging masaya? Masasabi kong napakasaya nito dahil nagawa ko lahat ng nais kong gawin at ang mga pinaplano ko sa pagdiriwang ng aking kaarawan. Tulad na lamang ng pagdating ng aking mga kaibigan upang makisaya at makiisa sa aking kaarawan, ang iba naman ay ang mga regalo na binigay sakin ng iba’t ibang taong malapit sa aking buhay at syempre ang pagpunta at pagsorpresa ng babaeng napakalapit sa aking puso. Naging masaya ang maghapong ito na umabot na ng dilim. Pagsapit ng kinagabihan ay doon na nagsimula ang tunay na kasiyahan. Syempre bilang isang kabataan na nagdiriwang ng kaarawan ay hindi mawawala ang alak. Kasama ang aking mga kaibigan ay sabay-sabay kaming nagkantahan at nagsayawan kasabay ang mga tugtugin, kasabay narin nito ang aming pagtagay at kampay. Hindi naiwasan ang mga kaibigan na nagsilasingan na nakadagdag pa sa aming tawanan. Isang magdamag na pagsasaya ang aking naranasan noong aking kaarawan. Kaya hindi ko talaga maikakaila na ang naging pinakamasayang araw ko sa taon na ito ay ang aking kaarawan.
Para sa akin, ang saya ay hindi lamang makukuha sa mga bagay na ibinibigay sa iyo, hindi lamang ilang materyal na bagay ang makakapagbigay ng saya sa isang tao, sapagkat ang tunay na saya para sa akin ay nasa karanasan at nasa mga tunay na taong nakapaligid sa iyo. Sila ang tunay na makakapagbigay ng saya sa ating lahat. Kaya para sa akin, wag nating sayangin ang bawat minuto at oras na nakakapiling natin ang mga taong malapit sa atin sa iba’t ibang mga karanasan, dahil hindi natin masasabi ang panahon. Baka sa mga susunod na araw o taon ay mawala na sila sa tabi natin. Kaya hangga’t may panahon, wag nating sayangin ang mga oras na makakagawa tayo ng mga bagay na makakapagpasaya satin kasama ang mga taong nakapaligid sa atin.