Sagot :
Answer:
Ayon kay Halliday (1973), ang pagkatuto ng wika ay pagkatuto kung paano bumuo ng kahulugan. Sa ganitong prinsipyo, mahalaga ang potensiyal sa pagpapakahulugan batay sa konteksto at gamit. Sa pananaw ng sistematikong lingguwistika, nasa pundasyon ng wika ang kultural at panlipunang anyo bunga ng kultural at panlipunang proseso na lumilikha ng kahulugan sa isang umiiral na kultura.
Ang konsepto ng “potensiyal sa pagpapakahulugan” ni Halliday ay naniniwalang ang wika ay isang set ng tiyak at magkakaugnay na sistema ng mga semantikong pagpipilian na mauunawaan sa pamamagitan ng pananalita o leksikogramatikal na estruktura ng bokabularyo at sintaks. Kung gayon, hindi maihihiwalay ang kultura at lipunan sa pagpa-pakahulugan ng mga pahayag.
Maraming pang-araw-araw na gawain ang tao na nagpapakita ng iba’t ibang sitwasyon at gawain na may limitadong gamit ang wika sa tiyak na panlipunang konteksto. May tinatawag na transaksiyonal na kahulugan at funsiyonal (tungkulin) na konteksto. Transaksiyonal ang pagpapakahulugan ng dalawang taong nag-uusap sa magkabilang linya ng telepono ngunit ang panlipunang estruktura na nagtatakda ng wastong pagsisimula at pagtatapos ng isang pag-uusap ay malinaw na nagkokonsidera sa kontekstwal na tungkulin ng wika