Sina Damon at Pythias ay magkaibigang matalik. Sila'y nagmamahalan ng higit pa sa magkapatid. Minsan, may nagawa si Pythias na isang bagay na ikinagalit ng hari. Ang hari ng Roma ng mga panahong iyon ay isang malupit na hari. At wala itong kinikilalang katwiran. Ipinakulong nito so Pythias. Nagmakaawa si Damon sa malupit na hari, alang-alang sa kanyang sa kanyang kaibigan.
"Pakawalan n'yo na po siya," ang hiling niya. Ngunit matigas ang hari sa desisyon nito.
"Hindi ko siya pakakawalan. Sa katunayan, kamatayan ang dapat igawad sa kanya! Tama! Kamatayan nga!" Lalong nahabag si Damon para sa kanyang kaibigan ngunit ano nga ba ang kanyang magagawa?
"Mahal na hari," ang sabi na lang ni Pythias na noon di'y tanggap na ang kapalaran."Kung kamatayan man ang dapat igawad sa akin, malugod kong tatanggapin. Ngunit pahintulutan nyo po sana akong Makita ang aking mahal na asawa at mga anak bago ako mamatay." Nag-isip ang hari.
" Nasa malayong lugar ang iyong pamilya. Papaano ako makatitityak na kapag pinayagan kita'y muli kang magbabalik?" Noon nagsalita si Damon,
"Hayaan ninyong ako ang makulong kapalit ng aking kaibigan, hanggang sa siya'y makabalik."
"At kung hindi na siya magbalik?" ang tanong ng malupit na hari.
"Kung ganoo'y ako ang inyong patayin kapalit niya," tugon ni Damon. Natuwa ang malupit na hari sa pangyayari. Pinayagan nitong makaalis si Pythias para dalawin ang pamilya at ikinulong si Damon kapalit nito. Sa isip-isip ng hari, dito niya ngayon masusubukan ang magkaibigang ito.
Makalipas ang ilang Linggo, iyon na ang sukdulan ng panahong ipinagkaloob ng hari kay Pythias na magbalik ito. Ngunit hindi pa rin ito dumarating noong araw na iyon.
"Tuluyan ka nang pinabayaan ng kaibigan mo. Sinasabi ko na nga ba't hindi na siya magbabalik," ang sabi ng hari kay Damon.
"Naantala lang siya marahil. Ngunit alam kong siya'y magbabalik," tugon ni Damon.
"At paano ka nakatitiyak?" "Dahil si Pythias ay isang mabuti at matalik na kaibigan. Hindi niya ako hahayaang mapahamak." Natawa ang hari,
"Ang taas ng pananampalataya mo sa iyong kaibigan. Isa kang hangal! Kapag hindi nakabalik ang kaibigan mo hanngang sa paglubog ng araw, mamamatay ka kapalit ng buhay niya!" Dumating nga ang paglubog ng araw. Hindi pa rin dumating si Pythias. Tuwang-tuwa ang hari.
"Ngayo'y tanggapin mo ang kamatayan bunga ng pagtataksil ng iyong kaibigan!" ang sabi nito. Ngunit hanggang sa huling sandali; umaasa pa rin si Damon sa pagbabalik ni Pythias.
"Alam kong babalik siya…Babalik siya…" Itinaas na ng malupit na hari ang espada nito upang pugutan ng ulo sa sarili niyang kamay si Damon. Nang biglang may sumigaw sa bukana ng palasyo. "Huwag!" ang sabi nito. Napatingin si Damon sa pinagmulan ng sigaw at laking tuwa niya sa nakita. "Pythias!" "Narito na ako. Pakawalan n'yo na ang kaibigan ko," ang sabi ni Pythias sa hari. "Namatay ang aking kabayo habang ako'y naglalakbay pabalik kung kaya't ako'y naatagalan. Kinakailangan kong tumakbo patungo rito para lamang umabot sa kasunduan at mailigtas ang buhay ng aking kaibigan. Ngayong narito na alo, handa ko nang tanggapin ang aking kamatayan." Ngunit nagsalita agad si Damon, "Hindi. Hindi ka dapat mamatay Pythias. May pamilya ka. Asawang nagmamahal at mga anak na naghihintay sa iyo sa tahanan, samantalang ako'y wala. Ako na lang ank patayin ninyo kapalit ng aking kaibigan, mahal na hari!" Hindi makapaniwala ang malupit na hari sa nasaksihan. Hindi siya makapaniwalang may ganoong klase ng pagkakaibigan na handang ibuwis ang buhay para sa isa't isa. "Kung mayroon lang sana akong kaibigan na tulad ninyo, handa kong ipagpalit ang anumang kapangyarihan o karangyaan. Sige, lumaya kayong dalawa! Wala ni isa man sa inyo ang dapat mamatay." At masaya ngang lumaya sina Pythias at Damon.
MENSAHE:
Ang tunay na magkaibigan ay hindi nag-iiwanan. Ang tunay na kaibigan ay handang mag-alay ng kanyang buhay para sa kapakanan ng kanyang kaibigan. Katulad ng pagmamahal ni Hesus sa atin.