Sagot :
Answer:
Protektahan ang iyong sarili laban sa malware
Gusto naming maniwala na ang Internet ay isang ligtas at tapat na lugar para sa lahat, ngunit hindi maitatanggi na nagkalat ang mga online na kriminal at hacker na sumusubok na manggulo. Isang paraan nila ng paggawa ng problema ang pagkakalat ng malware. Mapoprotektahan mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng pag-alam kung ano ang malware, paano ito kumakalat at kung paano ito maiiwasan.
Ano ang malware?
Ang "malware" ay anumang uri ng software na idinisenyo upang manira ng computer. Ang malware ay maaaring magnakaw ng sensitibong impormasyon mula sa iyong computer, unti-unting magpabagal sa iyong computer o magpadala ng mga pekeng email mula sa iyong email account nang hindi mo nalalaman. Narito ang ilang karaniwang uri ng malware na maaaring pamilyar na sa iyo:
Virus: Isang mapanganib na program sa computer na may kakayahang kopyahin ang sarili nito at pumasok sa isang computer.
Worm: Isang mapanirang program sa computer na nagpapadala ng mga kopya ng sarili nito sa ibang mga computer sa pamamagitan ng isang network.
Spyware: Isang malware na kumukuha ng impormasyon mula sa mga tao nang hindi nila nalalaman.
Adware: Isang software na awtomatikong nagpe-play, nagpapakita o nagda-download ng mga advertisement sa isang computer.
Trojan horse: Isang nakakasirang program na nagkukunwaring isang kapaki-pakinabang na application, ngunit nakakapinsala sa iyong computer o nagnanakaw ng iyong impormasyon pagkatapos nitong ma-install.
Paano kumakalat ang malware
Makakapasok ang malware sa iyong computer sa ilang iba't ibang paraan. Narito ang ilang karaniwang halimbawa:
Pagda-download ng libreng software mula sa Internet na lihim na naglalaman ng malware
Pagda-download ng lehitimong software na lihim na may kasamang malware
Pagbisita sa isang website na may malware
Pagki-click sa isang pekeng mensahe ng error o pop-up na window na nagsisimula ng pag-download ng malware
Pagbubukas ng isang attachment sa email na naglalaman ng malware
Maaaring kumalat ang malware sa maraming iba't ibang paraan, ngunit hindi iyon nangangahulugan na wala kang magagawa upang mapigilan ito. Ngayong alam mo na kung ano ang malware at ano ang magagawa nito, suriin natin ang ilang praktikal na hakbang na maaari mong gawin upang maprotektahan ang iyong sarili.
Paano maiiwasan ang malware
Panatilihing napapanahon ang iyong computer at software
Gumamit ng account na hindi pang-administrator sa tuwing posible
Magdalawang-isip bago mag-click ng mga link o mag-download ng kahit ano
Mag-ingat sa pagbubukas ng mga attachment o larawan sa email
Huwag magtiwala sa mga pop-up na window na humihiling sa iyong mag-download ng software
Limitahan ang pagbabahagi mo ng file
Gumamit ng antivirus software