S: Ang 13th month pay ay isang anyo ng benepisyong salapi na katumbas ng buwanang batayang sahod (basic pay) na natatanggap ng isang empleyado. Kinokompyut ito nang pro-rata ayon sa bilang ng buwan na nanilbihan ang empleyado sa amo nito sa loob ng isang taong-kalendaryo.
Pro-rata: Makukuha lamang nang buo ang 13th month pay kung nakapanilbihan ka nang isang buong taon o 12 buwan sa trabaho. Kung anim na buwan ka pa lang sa trabaho pagsapit ng Disyembre, hindi mo makukuha nang buo ang iyong 13th month pay. Ang makukuha mo lang ay ang katumbas ng panahong iyong ipinagsilbi.
Batayang buwanang sahod: P24,000
13th month pay kung nakaisang buong taon: P24,000
12/12 buwan x P24,000 = P24,000
13th month pay kung nakaanim na buwan: P12,000
6/12 buwan x P24,000.00 = P12,000
13th month pay kung nakatatlong buwan: P6,000
3/12 buwan x P24,000.00 = P6,000
T: Sino-sino ang dapat magbayad ng 13th month pay?
S: Lahat ng establisimyento ay dapat bayaran ang kanilang mga karaniwang tauhan (rank-and-file employees) ng 13th month pay, kahit ilan pa ang mga ito.
T: Sino-sino ang nararapat makatanggap ng 13th month pay?
S: Lahat ng karaniwang tauhan na nakapanilbihan nang di-bababa sa isang buwan ay dapat makatanggap ng 13th month pay.
T: Paano kinokompyut ang 13th month pay?
S: Pagsama-samahin ang batayang sahod sa loob ng taong-kalendaryo at hatiin ito sa 12. Kung nakaisang taon o higit na sa trabaho, kompyutin ang sahod mula Enero hanggang Disyembre, at hatiin sa 12. Kung hindi pa nakakaisang taon, kompyutin ang sahod mula sa buwan na nag-umpisa hanggang Disyembre, at hatiin sa 12.
Buwanang batayang sahod: P24,000
=1 taon sa trabaho: P24,000 x 12 buwan = P288,000/12 = P24,000 (13th month pay)
<1 taon sa trabaho: P24,000 x 7 buwan = P168,000/12 = P14,000 (13th month pay)
T: Ano-ano ang kasama sa “batayang sahod”?
S: Kasama sa “batayang sahod” ang lahat ng bayad o kita na natatanggap ng empleyado para sa serbisyong kanyang ginawa; subalit hindi kasama ang mga allowance at benepisyong pera na hindi itinuturing na bahagi ng regular o batayang sahod tulad ng: halaga ng di-nagamit na vacation at sick leave, overtime, premium, night differential, at holiday pay. Kasama sa batayang sahod ang cost-of-living allowances.
Gayumpaman, isasama ang mga benepisyong ito sa pagkokompyut ng 13th month pay kung itinuruting ang mga itong bahagi ng batayang sahod ng empleyado. Nangyayari lamang ito kung may indibidwal o kolektibong kasunduang naganap sa pagitan ng empleado at kompanya, o kung dati nang gawi at polisiya ito ng kompanya.
T: Kasali ba ang maternity leave benefits sa pagkompyut ng 13th month pay?
S: Hindi.
T: Kailan dapat ibigay ang 13th month pay?
S: Kailangang ibigay ang 13th month pay nang hindi lalampas sa Disyembre 24 ng bawat taon.
T: Mapipili na ng kompanya kung kailan siya magbibigay ng 13th month?