👤

Iba-iba ang nangyayari sa buhay ng isang tao. May mga nakararanas ng kahirapan, kalungkutan at kabiguan. Mayroon ding nakararanas ng tagumpay at kasiyahan. Anuman ang nangyayari, nararanasan o pinagdaraanan ng isang tao sa kaniyang buhay ay naipakikita ito sa kaniyang kilos. Maaari itong makaapekto sa pakikitungo niya sa kaniyang kapuwa. Kung siya ay nalulungkot, marahil siya ay umiyak. Ang iba ay nanghihina dahil sa gutom, o nagagalit dahil sa nangyari sa kanila. Mayroon namang tahimik lamang at hindi kumikibo kahit maingay ang kaniyang paligid May nakahalubilo ka ba na ganito ang kanilang naging kilos? Ano ang iyong naging reaksiyon? Ikaw, bilang bata, ay nakaranas din marahil ng malungkot at masayang pangyayari sa buhay. Nakadama ka rin ng tuwa, galit o marahil ay umiyak dahil dito. Dahil naranasan mo rin ang ganitong sitwasyon, inaasahang mauunawaan mo ang kalagayan, maging ang pangangailangan ng iyong kapuwa. Tinatawag itong pagpapakita ng simpatiya sa ating kapuwa. Halimbawa, hindi kailangang galit ka rin kung may nagagalit sa kasapi ng iyong pamilya. Bagkus ay alamin at unawain mo ang kanilang damdamin at ang kanilang dahilan. Bahagi ng pakikipag-kapuwa ang maging sensitibo sa kanilang kalagayan at pangangailangan. Mahalagang tingnan hindi lang ang kanilang kilos kundi pati na rin ang sanhi o dahilan nito. Sa ganitong paraan magiging malawak ang iyong pang- unawa sa kanilang sitwasyon at higit na matutugunan ang kanilang pangangailangan.​