Suriin Sa bahaging Tuklasin, ipinakita sa larawan ang pagtutulungan ng isang pamayanan sa pamamagitan ng Bayanihan. Sa kaugaliang ito napatutunayan ang pagiging likas na matulungin ng Pilipino sa kanyang kapwa. Ito ay namana at likas na sa pamilya at kulturang kinamulatan. Tama, sa ating sari-sariling pamilya itinuro, ipinamalas, ipinadama at pinairal ang pagmamahalan sa bawat kasapi ng pamilya upang gumawa nang mabuti at dahil na rin sa positibong impluwensya ng ating pamilya ay mas nalinang at nahubog ang sarili. Halimbawa, naipadadama ng tao ang pagmamahal sa iba dahil una niya itong naramdaman sa pamilya. Nagmamalasakit ang tao sa kapwa dahil alam nitong katulad niya, sila ay mahalaga. Kung naituro at naipakita ng magulang ang kahalagahan ng pagtulong at pakikiisa sa iba, magiging matulungin rin ang kanilang mga anak. Halimbawa, ang isang bata ay maaring mag-alok na buhatin ang gamit ng mga nakatatanda bilang pagpapakita ng paggalang at pagtulong. Nangangahulugan lamang na kung nahubog nang ganap ng isang pamilya ang pagmamahalan at pagtutulungan sa pagkatao ng bawat kasapi, magiging susi at sandata niya ito upang maipakita at maipadama ang makabuluhang pakikipagkapwa. Bilang kabataan, mailalarawang ikaw ay may makabuluhang ugnayan sa kapwa kung naipamalas at naramdaman ang sumusunod: maayos at walang problema ang takbo ng gawain magaan at malapit ang loob sa kapwa na nagdudulot ng makabuluhang koneksyon mayroong masaya, maginhawa at mapayapang komunidad nagkakaroon ng layunin at kabuluhan ang buhay nagkakaisa sa pag-abot ng mga layunin at pangarap may paggalang sa karapatan ng kapwa tao handang tumulong na malinang ang mga kakayahan May katapatan, puno ng pag-asa, may pagpapahalaga at masigasig sa buhay Sa pangkalahatan, malaki ang tungkulin ng pamilya sa paghubog ng bawat kasapi sapagkat ang positibong impluwensiya nito, pagpapairal ng pagmamahalan, pagtutulungan at matibay na pananampalataya ay ilan lamang sa mga salik na nakatutulong upang mapaunlad ang mga pagpapahalaga at sarili ng isang tao na nasasalamin naman sa kung paano ito makipag-ugnayan sa kanyang kapwa tao.