👤

Aliguyon

Maligayang-maligaya ang mag-asawang sina Amtulao at Dumulao.
Pagkalipas ng maraming taon ng pagsasama nila ay dininig na rin ni Kabunian,
ang kanilang Bathala, ang kanilang dalangin. Biniyayaan sila ng anak na lalaki,
ang kaisa-isang anak nila. Pinangalanan nila itong “Aliguyon.”
Munting bata pa lamang si Aliguyon ay kapansin-pansin na ang kaniyang
angking talino, lakas at kabutihang-loob. Madalas ikuwento ng kanyang ina sa
mga kaibigan nito ang kaniyang pinakamamahal na anak. “Dalawang taon pa
lamang si Aliguyon ay nabibigkas na niya ang ubod ng habang panalangin ng
tribu,” pagmamalaki nito.
“Hindi ba’t munting bata pa lamang si Aliguyon ay sanay na sanay na rin
siya sa paggamit ng sibat at pana sa pangingisda at sa pangangaso?” dagdag pa ng
amang si Amtulao.
Si Amtulao ang pinuno ng tribu sa lambak Hannanga. Isang araw, kausap
ni Amtulao ang isa niyang alagad.
“Hindi kami nabigo ni Dumulao sa anak namin. Isa siyang masipag,
malakas at matapang na binata. Alam ko, mamatay man ako ay maiiwan sa
mabuting kamay ang pamumuno sa tribu natin ng tribu Pangaiwan sa lambak ng
Daligdigan,” pag-aalala ni Amtulao.
Nalaman ni Aliguyon ang pangamba ng ama. Ayaw niyang nalulungkot at
nag-aalala ang ama. Ibig niya’y laging maligaya ang kaniyang ama at ina kaya
sinisikap niyang laging maging mabait at ulirang anak. Isang araw kinausap niya
ang kaniyang ama.
“Ama, kung papayagan ninyo ako, pupunta kami ng mga kaibigan ko sa
Daligdigan. Haharapin namin ang suliranin ninyo sa kaaway nating tribu.
Magtiwala kayo sa amin,” ang samo ni Aliguyon sa ama.
Natuwa si Amtulao sa naging desisyon ni Aliguyon. Talagang maaasahan
niya si Aliguyon. Tunay na karapat-dapat na maging pinuno ito ng tribung
kaniyang maiiwan sakaling siya ay mamatay.
Naghanda ang buong tribu ni Amtulao para sa pakikipagkita ng mga kawal
ng Hannanga sa mga kawal ng kaaway na tribu sa Daligdigan.
Nagsalubong ang dalawang pangkat sa hangganan ng dalawang lambak. Isa
sa n aging labanan ng mga kawal. Kalaban ni Aliguyon ang anak na lalaki ni
Pangaiwan na si Pumbakhayon. Naglaban sa loob ng tatlong taon ang dalawang
pangkat. Parehong magaling ang dalawang panig na naglalaban.
Hinangaan ni Aliguyon ang galing at lakas ni Pumbakhayon. Si
Pumbakhayon naman ay humanga rin sa tapang at pagkamaginoo ni Aliguyon.
Kaya nag-usap sila at ipinasiyang itigil ang labanan.
“Aliguyon, bakit nga ba tayo naglalaban? Wala naman tayong ginagawang
masama at paglabag sa isa’t isa. Kung hindi tayo naglalaban e, di sana’y tahimik
tayong umiinom ng tapuy at kumakain ng litsong baka sa ating mga pamayanan,”
ang sabi ni Pumbakhayon.
“Tama ka, Pumbakhayon. Marahil, higit na nais ng ating mga bolol na tayo’y
maging magkaibigan. Pag-isahin natin ang ating lakas sa paggawa ng kabutihan
para sa ikabubuti ng ating mga lambak,” sabi naman ni Aliguyon.

7

Pinatunog ang gong. Nagtipon ang mga tauhan ng dalawang maginoo at
magiging lider. Ipinahayag nina Aliguyon at Pumbakhayon ang pagkakasundo at
kapayapaan ng dalawang tribu.
Inanyayahan ni Pumbakhayon sina Aliguyon sa Daligdigan. Galak na galak
si Pangaiwan sa naging takbo ng mga pangyayari. Nag-utos siya ng tatlong araw na
pagdiriwang. Malaking handaan ang naganap.
Ipinakilala ni Pumbakhayon kay Aliguyon ang kapatid niyang dalaga, si
Bugan. Sa unang pagkikita ay kapwa naakit na sina Aliguyon at Bugan sa isa’t isa.
Sa pagtatapos ng tatlong araw na pagdiriwang ay nagtapat si Aliguyon kay
Pangaiwan sa kanyang hangaring mapangasawa si Bugan. Malugod namang
pumayag si Pangaiwan sa hiling ni Aliguyon nang malaman niyang umiibig din si
Bugan sa binata.
Nagdiwang ang buong Daligdigan. Nagalak din ang mga kaibigan at
kasamahan ni Aliguyon mula sa Hannanga. Kasama na nila si Bugan ng sila ay
umuwi sa Hannanga.
Pagpasok ni Aliguyon sa bulwagang kinaroroonan ng ama at ina, magalang
siyang humalik sa kamay ng mga ito. Kasunod niya si Bugan na ganoon din ang
ginawa.
“Ama, Ina, ang kaaway ninyong si Pangaiwan ay wala na. Ang mayroon sa
Daligdigan ay si Pangaiwan na biyenan ng inyong kaisa-isang anak. Narito po
kasama ko ang maybahay ko, si Bugan, ang maganda at mabait na anak ni
Pangaiwan,” sabi ni Aliguyon.
Nagpatuloy si Aliguyon, “Ama, ginapi ko ang iyong kaaway sa pamamagitan
ng pakikipagkaibigan. Binihag naman ni Bugan ang aking puso. Ito marahil ang
kalooban ni Bathala upang ang mga tribu ay mabuhay ng tahimik at mapayapa sa
habang panahon.”
Naging mabuting magkaibigan ang mga tribu ng Hannanga at Daligdigan,
kabilang sina Amtulao at Pangaiwan, lalo na nang magkaroon na sila ng mga
apong anak nina Aliguyon at Bugan.