Sagot :
Answer:
PAG-IBIG
Isang aklat na maputi, ang isinusulat: luha!
Kaya’t wala kang mabasa kahit isa mang talata.
Kinabisa at inisip mulang ating pagkabata,
tumanda ka’t nagkauban, hindi mo pa maunawa.
Ang pag-ibig, isipin mo, pag inisip, nasa puso;
pag pinuso nasa isip, kaya’t hindi mo makuro.
Lapitan mo nang matagal ang pagsuyo… naglalaho,
Layuan mo at kay lungkot, nananaghoy ang pagsuyo.
Ang pag-ibig na dakila’y aayaw ng matagalan,
Parang lintik kung gumuhit sa pisngi ng kadiliman.
Ang halik na ubos-tindi, minsan lamang sa halikan,
At ang ilog kung bumaha, tandaan mo’t minsan lamang.
Ang pag-ibig kapag duwag ay payapa’t walang agos,
Walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos.
Ang pag-ibig na matapang ay puso ang inaanod
Pati dangal, yama’t dunong nalulunod sa pag-irog.