Sagot :
Answer:
“SA DIGMAAN, walang panalo,” komento ng isang dating sundalo na lumaban noong Digmaang Pandaigdig II. “Puro mga talo lamang.” Marami ang sasang-ayon sa kaniya. Nakapanghihilakbot ang epekto ng digmaan; napakalaki ang nawawala sa mga nanalo at maging sa mga natalo. Kahit tumigil na ang armadong labanan, milyun-milyon ang patuloy na nagdurusa dahil sa malulubhang sugat na dulot ng digmaan.
Anong mga sugat? Maaaring lipulin ng digmaan ang halos buong populasyon, anupat nag-iiwan ng pagkarami-raming ulila at balo. Maraming nakaligtas ang may malulubhang sugat sa katawan, kalakip na ang mga pilat na nalikha sa isipan. Milyun-milyon ang maaaring naiwang nagdarahop o baka napilitang lumikas sa ibang bansa. Maguguniguni ba natin ang poot at dalamhati na malamang na namayani sa puso niyaong mga nakaligtas sa gayong mga labanan?
Ang mga sugat na nalikha ng digmaan sa puso ng mga tao ay patuloy na lumalala kahit na matagal nang huminto ang labanan, nanahimik na ang mga baril, at umuwi na ang mga sundalo. Ang mga susunod na salinlahi ay maaaring magtanim ng matinding galit sa isa’t isa. Dahil dito, ang mga sugat na dulot ng isang digmaan ay maaaring maging sanhi ng susunod na digmaan.